Huwebes, Pebrero 21, 2008

Ang Ambisyon ay Isang Isda

Nais ko lang i-motivate ang aking kapwa pilipino sa aking mga natutunan araw-araw. Salamat sa May Kapal at binigyan Niya tayo ng isipan na marunong pumuna at hanapin ang mga aral ng bawat karanasan.

Katulad ng marami sa ating pinoy, isa ako sa mga ipinanganak na mahirap. Aking batid na mas marami na ngayon ang mahirap kaysa sa mga nabubuhay mayaman. Alam ko ang hirap ng kahirapan, lalo na sa epekto nito sa sarili mong dignidad bilang nabubuhay na tao. Kadalasan sa buhay mahirap di na natin alam ang ka-ibahan sa pamumuhay ng isang nilalang na hayop sa isang dapat na sibilisadong pamumuhay ng tao. Dumanas ako ng self discrimination, at ito ang naging dahilan kung bakit sa aking pagbibinata ako ay naging tahimik, mahiyain at hintil. Ang akala nila tuloy ako ay naging suplado at weirdo.

Kadalasan lang naman sa aking mga pananahimik ay sadyang pag-iisip ng malalim lamang; pinipilit unawain ang takbo ng buhay, at ang punot-dulo o dahilan ng isang pangyayari o isang kinatuluyan. Hindi kailangan na maganap ang isang malaking pangyayari upang magsimula na kagad ako mag-isip. Isa sa mga madalas kong pag-isipan ay ang aking mga kamalian at i-ugnay ito sa aking mga pinapangarap. Tanggap ko na ako ay hindi perpekto kaya naman na-unawaan ko rin na kailangang lagi kong i-improve ang sarili. Ito ay upang makamit ko ang aking mga pinapangarap na pagkatao, kabuhayan at kaligayahan. Oo, isa sa naging pinakamalakas kong motivations ay aking mga ambisyon.

Aking linawin na ako ay maraming naging pagkakamali rin sa buhay --mapa-pag-ibig, pag-aaral, sariling pagkatao, ugali, at kung anu-ano pa. Ngunit ibig bang sabihin noon ay hindi na ako matututo? Teka, iba noon sa ngayon dahil ngayon ay mas may edad na ako at mas malalim na ang pag-iisip. Kung ang lahat ay nagma-mature, sa tingin ko ay may bahagi na rin sa pagkatao na narating na ito.

Salamat at marunong akong mag-ambisyon. Dahil sa ambisyon ay naging likas sa akin na alamin at gawin ang bawat nararapat upang maka-ahon. Kung hindi rin dahil sa aking ambisyon, ay malamang na kabilang pa rin ako sa mga dukha ng lipunan. Dahil sa ambisyon, nagawa kong umiwas at tumanggi sa mga masasamang elemento na nagdudulot ng walang kabuluhan sa sariling kinabukasan. Bigyan mo ng salapi ang isang tao, bigyan mo pa ng pagmamahal, moral support at pananampalataya --ngunit kung wala siyang ambisyon ay wala siyang direksyon. Ang resulta ay di kaunlaran --nakatigil sa isang estado ng pamumuhay. Kung baga nag-evolve na ang lahat ngunit siya ay ganun pa rin --tila isang baka sa loob ng parang, maghapon magdamag ay damo ang nasa harapan at ang laman ng tiyan.

Masuwerte ang ilan, dahil mayroon na kagad silang "good start" --ipinanganak silang mayaman. May natanggal na kagad silang isang malaking alalahanin sa buhay --iyon ay ang pagka-gutom. Di na nila kailangang ma-distract sa madalas na kumukuha ng oras sa isang araw ng isang dukha. Madalas sa isang dukha ang unang kanilang pinagtutu-unan ng panahon ay mabuhay lang sa araw na iyon. Di lang ata walong oras sa maghapon na kailangan silang maghanapbuhay upang may makain lang. Samantalang kung hindi sana sila masyado abala sa ganoong kondisyon ay malamang natutuon na lang sana nila ang ilang mga oras doon para sa mas paki-pakinabang na gawain upang mas mapabilis ang kanilang pag-unlad. Maraming kabataan ang napipilitang magtrabaho na lang kasya mag-aral sa isang pamantasan.

Ngunit gano nga ba kalakas ang ambisyon ng bawat isa? Depende iyon sa nag-aambisyon. Marami siguro ang magsasabi na ang ambisyon ay parang sa isang kotse, na ito ay gasolina upang marating mo ang pupuntahan. Ngunit para sa akin ang aking ambisyon ay "hindi" gasolina --kundi ito ay isang mapa. Dahil kahit ikaw ay may kotse pa ngunit wala ka namang direksyon sa iyong pupuntahan, malamang ay mahintil ka lang. Ngunit kapag ikaw ay may direksyon, kahit wala ka pang kotse, ay pupuntahan mo ang iyong nais na lugar kahit ikaw ay maglakad na lamang pa!

Ano? Tatanggapin mo na lamang ba na may balakid sa iyong mga ambisyon? --O gagawa at gagawa ka ng paraan upang makamit mo ito?


Ako, hindi ko tinanggap na balakid ang isang kahirapan, bagkus ito pa nga ay isang inspirasyon upang masubok ang sariling kakayahan.

Kung ang ambisyon naman ay isang isda, ay hindi ko pa sya lubusang nahuhuli. Marahil ay hawak ko na ang kanyang buntot at konting tiyaga nalang sa paglangoy ay mahahawakan ko na sya ng lubusan. Dumating sa aking buhay na muntik ko na syang binitawan, salamat na lamang at na-unawaan ko kagad na sadyang matatalo lamang ako kapag "inumpisahan" kong sumuko.

Ito ang aking mensahe: Kahit anong mangyari ay huwag ninyong bibitawan ang inyong ambisyon/pangarap. Mapapagod din ang isda sa paglangoy, ma-uuna ka pa bang sumuko dito?

Walang komento: