Sino Ako

Ang "Kilabot" ng Siopao Asado
Mabuhay kapwa ko Pilipino at sa ilan din na mukhang intsik beho!


Tawagin mo nalang akong Kuya Joemz. Bagamat ako'y mukang magtataho, ako talaga ay isang magpuputo! Tubong Binan, Laguna po!


Nagtapos ng highscool sa Santa Catalina College (dating Colegio de Santa Catalina de Sena). Nakatapos naman ng kolehiyo sa paaralang Mapua Institute of Technology sa Intramuros, Manila, bilang Enhinyero Mekanikal. Sa awa ng Diyos, nakapasa ka-agad ng Board Exam at ngayon nga'y isa ng lisensyadong propesyonal. Subalit-datapwat-marahil-at kung anu-ano pa, sa kasalukyan ako'y nangibang bansa, nag-umpisa bilang munting Janitor --matamis na mapait na matawag na "Floor Engineer" ng aking naging boss upang maglampaso ng sahig. Noon yun, at salamat naging "Project Engineer" din ng isang kumpanya, di na ako naglalampaso ng sahig, nagsasahig na lang ng lampaso --este biro lang.


Noong nasa Pilipinas, naging propesor ng kolehiyo sa Las Pinas College, naging Project Engineer ng The Coca-cola Export Corporation at naging Construction Manager ng Intel Technologies. Bagamat may pag-ibig sa Engineering, ako ay sumusubok sa ngayon ng kapalaran bilang website developer, champion chess player, visual artist, model ng bagoong, soya drinker at macho dancer.


Bakit di ko sinubukang mag-artista, tanong ninyo. Una, na-isip ko na malabo akong sisikat dahil nandyan na si Bong Revilla Jr., wala pa akong nakitang kambal na sumikat sa pelikula. Pangalawa, hindi madali sa akin ang umiyak kung kailangan, dapat pa akong uminom ng alak para bunutin ang aking emosyon. Ang mangyayari non, lagi dapat isang laseng ang mga roles ko --eh bawal sa akin ang sobrang alak dahil sensitive ang skin ko, nagka-ka-rash kasi ako. Pangatlo, super panget ng mukha ko kapag umi-iyak, kamukha ko si Chocolate, kaya imbes na emotional ang eksena magiging comedy na sa nakakatawa kong pagmumuka. Pang-apat, hindi naman talaga ako marunong umarte, ang kagalingan ko lang naman kasi ay ang magpa-cute. At Pang-lima, wala naman kasing nag-o-offer sa akin na producer na mag-artista eh!


Ang sabi nila serious daw ako pag nagjo-joke. Tapos yung iba naman sabi pag nagjo-joke daw ako eh serious. Kaya kayo na bahala kung saan ako serious at saan din ako nagjo-joke. Sa maniwala kayo at hindi, confused din ako!


Hays..Alam nyo ba madalas na-i-inis ako? Ka-inis ang kaguwapuhan ko eh. Ang lakas ng dateng minsan, to the point hindi ko sya ma-handle! Bakit kasi ako lang nakakakita? Na-iinis ako, bulag na nga yata ang mga tao ngayon oo. Minsan si misis kapag tinatanong ko, "Bakit nga ba ako ang pinili mo?". Sagot ba naman eh, "Eh kasi ang bait bait mo." -eh di bulag, kitam?


Libra ako. Pag Libra daw magaling magbigay ng payo. Magaling daw kasi kami magtimbang-timbang. Kaya kung ikaw ay nalilito --sa buhay man, trabaho at pag-ibig, subukan mo ako. Tama man o mali ang aking ma-ipayo, hindi na bale. Ang mahalaga ay may naka-usap ka, kung hindi man kita napatawa.